Nais kong matanto mo
Ang isang bagay
Tiyak kong batid mo ito:
Kung ako’y tatanaw
Sa buwang makislap at sa pulang sanga
Ng mabagal na taglagas mula sa aking bintana,
Kung madadama ko
sa init ng apoy
ang hindi nadaramang abo
o ang kulu-kulubot na troso,
pinapasan ako ng lahat patungo sa iyo
na tila lahat ng umiiral,
mga amoy,liwanag,bakal
ay mga mumunting bangkang
naglalayag
tungo sa iyong mga islang nag-aabang sa akin.
At ngayon,
Kung unti-unti’y ititigil mo ang pagmamahal sa akin
Ititigil ko ang pagmamahal sa iyo, unti-unti.
At kung kapagdaka’y
Lilimutin mo ako,
Huwag mo akong hagilapin,
Sapagkat nalimot na rin kita
Kung sa pagtatanto mo’y malalim at nahihibang,
Ang hangin ng mga bandilang
Nagdaraan sa aking buhay,
At mapagpasyahan mong
Lisanin ako sa laot
Ng puso kung saan ako nag-uugat,
Alalahanin mong
Sa araw na iyon,
Sa oras ding iyon,
Itataas ko ang mga bisig ko
At mag-aaklas ang aking mga ugat
Upang humanap ng ibang lupain.
Subalit,
Kung sa bawat araw,
Bawat sandali,
Dama mong ika’y nakatakda sa akin
Nang may tamis na walang-humpay
Kung sa bawat araw may bulaklak
Na gumagapang sa iyong labi upang hanapin ako,
O aking mahal, o aking iniibig
Sa akin lahat ng apoy ay nagbabalik,
Sa aki’y walang natutupok o nalilimot,
Ang pag-ibig ko’y nabubuhay sa pag-ibig mo, mahal ko,
At hangga’t ika’y may paghinga nasa bisig mo lamang ito
Nang hindi ako nililisan.
0 wandered:
Post a Comment